Wednesday, March 11, 2009

Ang Pag-ibig, Nakakatawa, Nakakaiyak!

gotten from: PINAS THE FILIPINO’S GLOBAL NEWSPAPER (anonymous ang author)
DATED MAY 15-21 2005

Nakakatawa talaga ang love. Isa siyang napakalaking oxymoron. Lahat ng puwede mong masabi sa kanya, baliktarin mo man at totoo pa rin. Ang labo di ba? Pero ang linaw.
Masaya magmahal. Malungkot magmahal. ‘Di mo naiintindihan pero naiintindihan mo. Walang rason, maraming rason. ‘Di mo na kaya, pero kaya mo pa rin. Masakit magmahal. Pero okay lang.

Leche ano ba talaga?!

May kaibigan ako(author), sabi niya dati "Love is only for stupid people."Nakakatawa kasi laude ang standing niya, pero dumating ang panahon, na-inlove din ang hunghang. At ayun, tanga na siya.

Lahat kasi ng nahahawakan ng love nagiging oxymoron din. O kaya paminsan nagiging moron lang.

Hindi lang kasi basta baliktaran ang pag-ibig. Lahat ng bagay nababaligtad din niya.

Lahat ng malalakas na tao, humihina. Ang mayayabang, napapakumbaba. Ang mga walang pakialam nagiging Mother Teresa (o Pope John Paul II).

Ang mga henyo nauubusan ng sagot. Ang malulungkot sumasaya. Ang matitigas, lumalambot. (At tumitigas din ang mga bagay na madalas nama’y malambot.)

Nakakatawa talaga. Lalo na kapag dumadating siya sa mga taong ayaw na talagang magmahal. Napansin ko nga eh. Parang kung gusto mo lang ma-in-love ulit, sabihin mo lang ang magic word na "Ayoko nang ma-inlove!" biglang, WACHA! Ayan na siya. Nang-aasar. Magpapaasar ka naman. Di ba nakakatawa rin na pagdating sa problema ng ibang tao, ang galing-galing mo? Pero pag problema mo na yung pinag-uusapan, parang nawawalan ng saysay lahat ng ipinayo mo dun sa namomroblemang tao? Naiisip mong wala namang mali dun sa mga sinabi mo. Pero bakit parang wala ring tama?

Bali-baligtad din ang nasasabi ng taong tinamaan ng madugong pana ng pag-ibig. "Ngayon ko lang nalaman. Ganito pala. Sabi ko na eh!" "Ang sarap mabuhay. Puwede na akong mamatay. Now na!"

At hindi lang iyon. Ang sarap ding pagtawanan ng mga taong alam naman nilang masasaktan lang sila, eh magpapatihulog pa rin sa bangin ng pag-ibig. Tapos ‘pag luray-luray na yung puso nila, siyempre hindi sila yung may kasalanan. Siya!

"Bakit niya ako sinaktan?" May kasama pang pagsuntok sa pader iyon, at pagbabagsak ng pinto.

Hayop talaga.

Mauubos ang magdamag ko kabibigkas ng mga bagay na nakakatawa ‘pag pag-ibig na ang pinag-uusapan. Ang daming beses ko (author) na kasi siyang nakasalubong, kaya masasabi ko (author pa rin) nang eksperto na ako (at author pa rin).

Pero wala pa rin akong (talagang iyong author pa rin) alam.

Pero ang pinakanakakatawa sa lahat ay ang katotohanang kapag gustong magpatawa ng pag-ibig, ipusta mo na lahat ng ari-arian mo dahil siguradong ikaw ang punchline.

Nakakatawa ano?
Nakakaiyak.

No comments: